Mga Tula ng Buhay, Pag-ibig atbp.

Monday, September 06, 2004

Pag-Asa sa Gitna ng Kawalan

Ang lambing ng panahon ay salitang dala ng langit
Taimtim na dalangin ng mga pusong nagpakasakit;
Ang mga tagong suyuan ay parang walang katapusan
Halik ng damdamin mo’y bigkis ng pag-irog kailanman.
Iulat mo, Mahal, sa ulap upang makadama ng hapis
Na kapagdaka’y uulan, yan ay iyak na paimpit;
Sa tindi ng sakit ng dibdib sa pag-ibig na nakalaan
Sa huling yugto ng hininga mo’y buhay na nagdaraan.

Iambag mo sa bundok ang balot-pighating nadarama
Na sa angking kataasan nito’y maiparating mo kay Ama:
Oh Anak mong yao’y pagsamo’y pakinggan na,
Liripin mo ang damdamin sa parang ng isang aba!
Sabihin mo rin sa hangin at iparating sa karimlan
Na ang sakit ng damdaming atas, bigyan nya ng daan;
Ibulong mo pa rin ang laman ng nakapiit mong puso
Bago pa man dumating ang wakas nito sa pagkakatuto.

Alin baga ang nais mong malaman sa sarili?
Yun bang sakit ng talim o lambat ng kapighatian?
Mahal, ang pamimili ay nasa saiyo lamang kailanman
Purihin mo man ang lahat sa mundo at kalangitan
At iangat ang pansariling mithiin doon sa magpakailanman,
Subalit, ang sanlibo mong kabutiha’y isang mali ang tapat nyan;
Isulong mo man sa labanan ang lahat mong angking lakas
Gaya pa rin ng nakaraa’y katapat nati’y maliit na butas.

Huwag mong sayangin ang yugto ng iyong panahon
Malapit na ang takipsilim na matagal ding nagyaon;
Ibuhos mo ngayon ang talinong ipinagmana ng mundo
Higit pa riyan sa tingin mo ang ini-ambag mong talino.

Saturday, August 28, 2004

Malayong Pag-ibig

Minsan sa isang mapagbadyang larangan
Sa isang lilim ng panaginip at kahungkagan;
Dito matatagpuan ang lalim ng pag-iibigan,
Tunay nga bang may milagrosong kapangitan?

Hindi malirip ng aking hunghang na isipan
Kung baga mali o tama ang kahihinatnan;
Dito ko napagtanto ang tunay na kamalian
Subalit pinilit ko pa ring ginawang katwiran.

Ang malayong pag-ibig ay minsan lang sumibol
Sa ilalim ng pihikan kong damdamin ay kumakahol!
Parang asong gala sa lansangan ng paghihimutok
Na ang lakad ay pahina’t bahag ang buntot.

Tingnan mo sa malayong silanganan at masdan
Ang umaalimpuyong hagibis ng karagatan;
Doon mo ubusin ang nag-aalimpuyong damdamin
Na kung masukat ang mundo, yun din ang sa atin.

Malayo man ang lugar sa bawat isa’y paghinga
Nararamdaman ang pag-ibig nating nadarama;
Hayun ang bituin at ang buwan ay humahalina
Huwag na nating sayangin ang oras tuwina.

Malayo ka man, malapit din ang iyong kapurihan
Na sa paglubog ng araw, dun din ang hapunan
Na kapagdaka’y tumumbas sa likas na trono
Ang hangong kagandaha’y di pa natin maituturo.

Likas nga bang ganito na sa tuwina’y parang loro?
Iikot-ikot sa hantungan ng sanga’y may maisusubo;
Aayon sa ihip ng paghinga’y naging butil ng tuwa
Ganyan din ba katunay malayong pag-ibig ng aba?

Thursday, July 22, 2004

Panaginip sa Madilim na Maliwanag

Alam ko, mali...subalit bakit ang pagkakataon
ay akay ang isang kahihinatnan na makupad?

Alam ko, mali...ngunit bakit may pag-asa
at akay ang katiwalian na kailanman ay hungkag?

Alam ko, mali...bakit hinayaan ng pagkakataon
na mailathala sa pangkalawakang kadahilanan?

Alam ko, mali...bakit dinala sa oras ng pangangailangan
na ang kapit ay tulad ng mapanlinlang na tuko?

Alam ko, talagang mali....subalit anong magagawa ko?
Pilit ko man suyurin sa isip kung alin, di ko malirip.

Ah, panaginip sa madilim kung minsan ay sala-hula
na kung sa isip ay tama maliwanag na maling halina.

Tuesday, June 29, 2004

Aklat ng Buhay

Minsan sa isang patak ng ulan
sa dilim ng mapagkunwaring panahon;
Pinuyos ng masalimuot ng kalakaran
na ang buhos ay akda ng kaisipan.
Di mo lubos maisip kung ano ang turing
sa mga naka-ambang plastik na angkin;
Di mo rin maitatago ang sidhi ng panaginip
na kapagdaka'y aayon sa agos
nang gusto mong makamtan at maangkin.
Ang aklat ng buhay ay puno ng kapalaran
na di natin hawak at mahirap masuyuan;
Kahit ika'y nasa munting mundo mo,
ang pahina ng kasalukuyan ay nasa saiyo.
Isulat mo man ang nakaraan at ipaabot
sa panahong parating,
ikaw at ikaw pa rin ang may-akda
nang buhay mong angkin.

Monday, June 21, 2004

Ganid

Katulad mo’y lobo ng kaparangan
Kahalobilo’y makamandag na ahas,
Uwak at buwayang patiwarik ang dibdib.
Katulad mo’y buwitre ng disyerto
Nakaabang sa mga bulok na tira
At ang paborito’y uod ng laman.
Katulad mo'y mabangis na ligaw na hayop,
Hayok sa lamang-loob na animo’y bulagsak;
Hatid ay sakit ng puso't dilim ng paningin.
Mas masahol ka pa sa ligaw na tigre
at makamandag na mga kobra;
Walang habas an pandadaraya sa mga aba!
Sa katulad mo'y para sa kumukulong putik
upang doon ka balatan at tadtarin;
Impit ng iyak mo'y di diringgin
upang malaman mong katulad ka ng hangin:
Na kung saan ang hininga ng panahon
doon rin hihimlay at matitimtim.
Katulad mo'y alamid sa gubat
na kung magkubli'y dilim ang sukat;
Katulad mo'y putik ng kumunoy
na kung sinuman ang nahulog
libingan sa lupang himlay ay tuloy-tuloy.
Di mo alintana kung sino ang kausap
animo'y iyo na ang buong mundo't
di mo alam kung saan ka nanggaling;
walang pagbabago at kinabukasan.
Ganid ka nga kung tawagin at alipustain
ng mga katulad mong itim ang budhi
at bulok ang kailaliman ng binhi!
Ang Katulad mo'y walang karapatan
para sa pangkalahatang kabutihan!