Mga Tula ng Buhay, Pag-ibig atbp.

Monday, September 06, 2004

Pag-Asa sa Gitna ng Kawalan

Ang lambing ng panahon ay salitang dala ng langit
Taimtim na dalangin ng mga pusong nagpakasakit;
Ang mga tagong suyuan ay parang walang katapusan
Halik ng damdamin mo’y bigkis ng pag-irog kailanman.
Iulat mo, Mahal, sa ulap upang makadama ng hapis
Na kapagdaka’y uulan, yan ay iyak na paimpit;
Sa tindi ng sakit ng dibdib sa pag-ibig na nakalaan
Sa huling yugto ng hininga mo’y buhay na nagdaraan.

Iambag mo sa bundok ang balot-pighating nadarama
Na sa angking kataasan nito’y maiparating mo kay Ama:
Oh Anak mong yao’y pagsamo’y pakinggan na,
Liripin mo ang damdamin sa parang ng isang aba!
Sabihin mo rin sa hangin at iparating sa karimlan
Na ang sakit ng damdaming atas, bigyan nya ng daan;
Ibulong mo pa rin ang laman ng nakapiit mong puso
Bago pa man dumating ang wakas nito sa pagkakatuto.

Alin baga ang nais mong malaman sa sarili?
Yun bang sakit ng talim o lambat ng kapighatian?
Mahal, ang pamimili ay nasa saiyo lamang kailanman
Purihin mo man ang lahat sa mundo at kalangitan
At iangat ang pansariling mithiin doon sa magpakailanman,
Subalit, ang sanlibo mong kabutiha’y isang mali ang tapat nyan;
Isulong mo man sa labanan ang lahat mong angking lakas
Gaya pa rin ng nakaraa’y katapat nati’y maliit na butas.

Huwag mong sayangin ang yugto ng iyong panahon
Malapit na ang takipsilim na matagal ding nagyaon;
Ibuhos mo ngayon ang talinong ipinagmana ng mundo
Higit pa riyan sa tingin mo ang ini-ambag mong talino.